IN PHOTOS: Opening Night ng “Mutya ng Pasig: Mga Kabihisan at Kabihasnan” A Historial Fashion and Art Exhibition
March 26, 2024
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng ating sining at kultura, isang matagumpay na Historical Fashion and Art Exhibition Opening Night na pinamagatang “Mutya ng Pasig: Mga Kabihisan at Kabihasnan” ang ginanap noong March 22, 2024 sa Estancia Mall, Capitol Commons.
Tampok ang mga obra ng ilan sa mga kilalang Pasigueño Fashion Designers gaya nina Russ Cuevas (Ineng Collection), Don Cristobal (Moderna Filipina), Armhand Remojo (Sariwa), at Nardie Presa (Heritage Bamboo Collection), inirampa ng ilan sa ating Mutya ng Pasig 2023 winners ang mga tradisyunal na kasuotan ng mga Filipina. Ang mga kasuotang ito ay naglalarawan ng kwento ng pagiging matatag, malikhain, at pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino.
Bukod sa inirampang mga kasuotan, nagpakitang gilas naman sa musika at pagsayaw ang grupo ng Koro Pasigueño, Rizal Technological University Folk Dance Troupe, at Tunog Rizalia Rondalla.
Matapos ang fashion show, sinundan ito ng pagbubukas sa publiko ng Art Exhibit tampok ang iba’t ibang obra ng mga Pasigueño artist. Bahagi ng malilikom na halaga mula sa mga mabibiling obra ay ipagkakaloob sa Grace to be Born, Inc. Para sa mga nais masilayan ang mga obra, ito ay matatagpuan sa 2/F (East Wing) ng Estancia Mall at bukas hanggang April 11, 2024.
Ang aktibidad na ito ay isinagawa bilang pagdiriwang ng National Arts Month noong Pebrero at National Women’s Month ngayong buwan ng Marso. Naging posible ang aktibidad na ito sa pangunguna ng Pasig Art Club katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa pamamagitan ng Sangguniang Panlungsod Committee on Cultural and Spiritual Affairs at Committee on Gender and Development, Estancia Mall, at Pasigueño Fashion Designers.