IN PHOTOS: OPENING CEREMONY NG 24TH FOUNDING ANNIVERSARY NG PAMANTASAN NG LUNGSOD NG PASIG

March 12, 2024



Isang makulay at masigabong pagdiriwang ang nasaksihan sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP) ngayong araw, March 12, 2024 para sa opisyal na pagbubukas ng kanilang University Week kaugnay ng ika-24 Founding Anniversary ng nasabing pamantasan.
Sa ilalim ng temang Mangarap. Manindigan. Magtagumpay | Hiraya Manawari, naipakita ang talento ng mga taga-PLP sa pamamagitan ng Spoken Word Poetry | Sabayang Pagbigkas ft. Theme Song na "Keep on Standing Strong" ni Randall Kent, ng flash mob, at PLP chant tampok ang PLP Himig Chorale, Pasigyaw, at mga piling estudyante ng pamantasan.
Parte ng programa ang pagbibigay ng Opening Remarks mula kay PLP President Dr. Glicerio Maningas at inspirational messages mula kina Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, at Mayor Vico Sotto.
Sa kanyang mensahe ng pag-asa, nagpasalamat si Mayor Vico Sotto sa mga taong nagta-trabaho behind the scenes: kina Congressman Romulo, sa pagsiguro na magiging libre ang edukasyon sa PLP, kay Vice Mayor Dodot at sa mga miyembro ng konseho sa patuloy na pagsuporta sa mga adhikain ng administrasyon, at kay Committee on Education Chairperson Corie Raymundo na isa sa mga miyembro ng Board of Regents (BoR) ng PLP, sa iba pang miyembro ng Board, at sa pamunuan ng PLP sa pangunguna ni Dr. Maningas. Present din sa opening program ang iba pang miyembro ng 11th Sangguniang Panlungsod ng Pasig.
Nagbigay pugay din si Mayor Vico sa professors at guro sa PLP para sa mataas na antas ng edukasyon na ipinagkakaloob nito sa mga estudyante. Ipinahayag din ni Mayor Vico na lubos na ipinagmamalaki ng Lungsod ng Pasig ang mga estudyante mula sa PLP. Ipinarating niya sa mga ito na hindi lamang sila kinabukasan ng Pamantasan o ng Lungsod ng Pasig, kundi kinabukasan din sila ng bansang Pilipinas. Bilang pagtatapos, sinabi ni Mayor Vico na "Nandito lang po kami kasama ninyong nangangarap; kasama po ninyo kami na patuloy na manindigan; at sama-sama po tayo sa tagumpay."
Matapos ang programa sa umaga ay nagkaroon din ng opening ng sportsfest. Parte nito ang pagkakaroon ng parade ng iba't ibang teams at oath of sportsmanship, kung saan nakibahagi sa pagdiriwang si Sangguniang Kabataan Federation President Keil Cutillas.
Mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, HAPPY 24TH FOUNDING ANNIVERSARY, AMING INANG PAMANTASAN!
Para sa updates tungkol sa events at acivities kaugnay ng PLP 2024 University Week, i-check ang Facebook Page ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig.