IN PHOTOS: NEON NIGHT RUN 2024
December 2, 2024
Nasa 2,000 empleyado ng Pasig City Hall ang nagsama-sama para sa isang masayang gabi ng takbuhan sa Pasig City Employees Fun Run 2024 noong November 22, 2024 sa Bridgetowne East, Brgy. Rosario, Pasig City.
Bago magsimula ang main event na may temang “Neon Night Run 2024”, isinagawa ang isang maikling programa kung saan nagbigay ng mensahe para sa mga kalahok sina Mayor Vico Sotto, mga miyembro ng 11th Sangguniang Panlungsod, at si Ms. Elvira R. Flores, ang Head ng Human Resource Development Office (HRDO) ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Bahagi rin ng maikling programang ito ang isang Zumba activity na nagsilbing warm up at cool down exercise para sa mga kalahok bago simulan ang pagtakbo sa 5KM at 8KM categories.
Nagsilbing assembly point ng mga kalahok ang Bridgetowne Boulevard. Mula rito, binaybay nila ang North Drive at Riverside Drive, bago muling bumalik sa Bridgetowne Boulevard bilang kanilang end point.
Sa pagtatapos ng fun run, pinarangalan ang Top 3 finishers ng bawat kategorya, kung saan sila ay tumanggap ng cash prize at medalya.
Samantala, ang unang 500 na nakatapos sa fun run sa bawat category ay nakatanggap ng finisher medals, habang ang lahat ng finishers ay tumanggap naman ng e-certificates.
Ang nasabing aktibidad ay hindi lamang naglalayong maisulong ang healthy lifestyle ng mga empleyado, kundi bahagi rin ito ng Mental Wellness Program ng HRDO upang matiyak na napangangalagaan hindi lamang ang pisikal na kalusugan ng mga empleyado kundi pati na rin ang kanilang kalusugang pangkaisipan.
Ang Pasig City Employees Fun Run 2024 ay naging posible sa pangunguna ng HRDO, sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.