IN PHOTOS: MANDATORY TRAINING AT OATH-TAKING NG MGA BAGONG SANGGUNIANG KABATAAN (SK) OFFICIAL NG PASIG CITY

November 10, 2023



Sumailalim sa one-day Mandatory Training ang mga bagong halal na Sangguniang Kabataan Officials ng Lungsod ng Pasig (na ginawang dalawang batches) simula kahapon hanggang ngayong araw, November 9-10, 2023. 

Binubuo ng tatlong modules na may kabuuang limang sessions ang Mandatory Training para sa SK Officials: Decentralization and Local Governance; Sangguniang Kabataan Hisrory and Salient Features; Meetings and Resolution; Planning and Budgeting; at Code of Conduct and Ethical Standards. 

Sinundan naman ng Panunumpa sa Katungkulan (Oath-Taking) ang nasabing Mandatory Training bago matapos ang araw, na pinangunahan ni Mayor Vico Sotto na nagbigay din ng Inspirational Message para sa bagong SK officials. Sa kanyang mensahe sa mga ito, pinaalalahanan niya ang mga bagong kabataang lider na huwag magpademonyo at gawin ang tama. Kaugnay nito ay ibinahagi niya ang kanyang naging karanasan noong bagong luklok siya bilang alkalde na maraming contractors ang lumapit para mag-alok ng mga kung ano, kapalit ang mga kontrata sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Bukod kay Mayor Vico Sotto ay dumalo rin sa Oath-Taking sina Congressman Roman Romulo, Councilor Corie Raymundo, at Councilor Simon Tantoco. 

Layon ng pagsasagawa ng Mandatory Training na ihanda ang mga bagong halal na SK officials para sa kanilang mga gagampanang tungkulin bilang representante ng mga kabataan sa kani-kanilang mga barangay. Ito ay isa sa pre-requisites bago sila tuluyang makapagsimula sa kanilang panunungkulan bilang SK officials at alinsunod sa Department of the Interior and Local Government Memorandum Circular No. 2023-156 na napapaloob at nakabatay din Republic Act 10742 o mas kilala bilang SK Reform Act of 2015.

Ang pagsasagawa ng Mandatory Training ay pinangunahan ng  Local Youth Development Office Pasig City, Local Youth Development Council, Sangguniang Kabataan Federation Office, sa pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government - Pasig Field Office sa pangunguna ni City Director Visitacion Martinez, CESO V. 

#UmaagosAngPagasa