IN PHOTOS | LAUNCHING NG UGNAYAN SA PASIG BILANG GANAP NA OPISINA SA ILALIM NG PAMAHALAANG LUNGSOD NG PASIG
August 5, 2023
Opisyal nang inilunsad ang Ugnayan sa Pasig - Freedom of Information bilang isang ganap na opisina sa programang pinamagatang The Pasig City FOI Experience na ginanap noong July 25, 2023 sa Chardonnay by Astoria, Brgy. Oranbo.
Dinaluhan ang programang ito ng mga opisyal mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, kabilang ang mga miyembro ng 11th Sangguniang Panlungsod, delegasyon mula sa: United States Agency for International Development (USAID) na pinangunahan ni Chief of Party Serge Andal Jr. para sa Cities for Enhanced Governance and Engagement (CHANGE) project; Philippine Communications Office (PCO) sa pangunguna ni Assistant Secretary for Operations Atty. Evangeline De Leon; at mga kinatawan mula sa mga Lokal na Pamahalaan ng Batangas, Cagayan De Oro, Legazpi City, Tagbiliran City, Tacloban, at Zamboanga na ilan din sa mga benepisyaryo ng USAID-CHANGE.
Ibinahagi ni Mayor Vico Sotto ang pinagdaanan bago tuluyang naipasa ang Ordinance No. 37, s. 2018 o mas kilala bilang Pasig Transparency Mechanism of 2018 noong siya ay konsehal pa lamang sa Lungsod ng Pasig. Ang ordinansa na ito ang siyang nagsilbing legal basis sa pagkakatatag ng Ugnayan sa Pasig noong 2019. Matatandaang naunang inilunsad ang Ugnayan sa Pasig noong 2019 sa bisa ng Executive Order No. PCG-08, s. 2019 na naglagay nito sa ilalim ng superbisyon ng Office of the City Administrator noon. Samantala, nagpahayag naman ng kanilang suporta sa Ugnayan sa Pasig na ang mga konsehal na nakadalo sa nasabing event.
Highlight ng nasabing programa ang presentasyon tungkol sa "Pasig City FOI Experience" kung saan ibinahagi ni Assistant City Administrator Diego Luis Santiago ang best practices ng Ugnayan sa Pasig sa nakalipas na halos apat na taon.
Bukod pa rito, nagkaroon din ng turn over ng plake mula sa PCO kaugnay ng pagkilala na iginawad nila sa Pasig City - Ugnayan sa Pasig noong 2022 bilang isa sa Top Requested and Performing Agencies in the eFOI Portal sa ilalim ng kategorya na may “250 to 499 requests and with at least 90 percent closed transactions."
Matapos nito ay nagkaroon din ng ceremonial signing ng Ordinance No. 45, s. 2022 na siyang pormal na nag-establish ng Ugnayan sa Pasig bilang isang opisina sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Sa tulong ng ordinansang ito ay mas mapapabuti at mapapalawig pa ang kakayahan ng nasabing tanggapan na nakatutok sa pagtugon sa Freedom of Information requests at maging sa pagsiguro na may aktibong partisipasyon ang mga Pasigueño sa paggogobyerno bilang feedback/grievance mechanism ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Matapos ang programa ay binigyang pagkakataon ang mga delegasyon mula sa ibang lokal na pamahalaan upang makapagtanong tungkol sa naging karanasan ng Ugnayan sa Pasig na siya namang tinugunan ni Ms. Winnie Rayos-Dimanlig, ang hepe ng Ugnayan sa Pasig - Freedom of Information Office.
Ang "The Pasig City FOI Experience" ay parte pa rin ng selebrasyon ng ika-450 Araw ng Pasig.
#PanahonNgPasigueño