IN PHOTOS: Kick-Off Ceremony ng Drug Abuse Prevention and Control Week Celebration
November 18, 2024
Pormal na binuksan ang pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control (DAPC) Week sa Lungsod ng Pasig sa isang maikling programa bilang parte ng lingguhang pagtataas ng watawat kaninang umaga, November 18, 2024.
Pangungunahan ng Pasig City Anti-Drug Abuse Office (PCADAO) ang selebrasyon ng DAPC Week sa Lungsod ng Pasig na may lokal na temang “The Evidence is Clear: Invest in Prevention.” Layunin ng nasabing pagdiriwang na higit pang palakasin ang mga programa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig laban sa ipinagbabawal na gamot, partikular sa aspeto ng pag-iwas o pagpigil sa paggamit nito.
Kaugnay ng nasabing tema na nakatuon sa kahalagahan ng prevention, ipinakilala ni Ms. Zenaida O. Concepcion, Officer-in-Charge ng PCADAO, ang Line Up, Live Up — isang programa ng Dangerous Drugs Board (DDB) at Philippine Drug Enforcement Agency, katuwang ang United Nations Office on Drugs and Crime at U.S. Embassy - Office of International Narcotics and Law Enforcement Affairs. Ang programang ito ay naglalayong mailayo ang kabataan sa panganib ng krimen at karahasan sa pamamagitan ng gawain na may kinalaman sa sports at iba pang physical activities.
Kasabay ng paglulunsad ng Line Up, Live Up Program, isinagawa rin ang seremonyal na pagsisira ng isang effigy na nilahukan ng iba’t ibang stakeholders sa Lungsod, kabilang ang mga miyembro ng Anti-Drug Abuse Council sa City at Barangay Level. Ang pagsira ng effigy ay simbolo ng commitment ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa patuloy na pagsugpo at paglaban kontra droga.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe si Ms. Ma. Victoria C. Sorne, Officer-in-Charge ng DDB - Office of the Deputy Executive Director for Administration. Pinuri niya ang walang sawang pagbibigay ng suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa mga proyekto ng DDB at binigyang-diin
na tututukan ng ahensya ang mga programang may kaugnayan sa prevention, treatment, at rehabilitation.
Ayon kay Ms. Sorne, layon ng DDB na matulungan ang mga mamamayan na makaiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot at magabayan ang Persons Who Use Drugs (PWUDs) sa kanilang pagbabagong buhay. Dagdag pa niya, mahalagang iwasan ang diskriminasyon sa PWUDs at tulungan silang magbago sa halip na sila’y husgahan.
Kasunod ng Kick-Off Ceremony, may mga naka-line up pang aktibidad kaugnay ng selebrasyon ng DAPC Week na para sa mga PWUDs at kanilang mga pamilya at pakikipag-ugnayan sa mga barangay para sa magiging roll out ng Line Up, Live Up Program.
Ang pagdiriwang ng DAPC Week ay patunay ng dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na labanan ang illegal na droga at magtaguyod ng mas ligtas at mas malusog na komunidad.