IN PHOTOS: INNOVATION FOR CIRCULAR ECONOMY HUB TRAINING

August 22, 2023











Nagtipon ang mga kinatawan mula sa materials recovery facilities (MRFs) at micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa Lungsod ng Pasig, kasama ang mga representante mula sa iba’t ibang departamento at opisina ng Lokal na Pamahalaan ng Pasig para sa 7-day Innovation for Circular Economy (ICE) Hub Training na ginanap mula August 7-17, 2023. 

Pangunahing layunin ng training na magbigay daan sa pagtatatag ng Pasig City ICE Hub, na magsisilbing central aggregator, incubator, at connector ng circular economy solutions sa ating lungsod; at kung nagkataon, ang magiging kauna-unahang Circular Economy Hub sa buong Pilipinas. Bukod pa rito, layunin din ng nasabing training ang: mapalalim ang kaalaman ng participants patungkol sa konsepto at kahalagahan ng Circular Economy; pag-aralan ang iba’t ibang makabagong paraan para masugpo ang problema sa basura – hindi lamang sa Lungsod ng Pasig ngunit maging sa buong mundo; at magbigay ng mga aktuwal na solusyon sa problema na maaaring makapagbigay pa ng karagdagang kita, lalo para sa MSMEs at sa MRFs.

Bukod sa plenary sessions, nabigyan din ng pagkakataon ang participants na mapuntahan at mapag-aralan ang mga proseso sa pag-recycle at upcycle ng mga basura ng ilang mga manufacturing companies na sumusuporta sa layunin ng Circular Economy, kabilang ang Poly Al Pro, Sentinel Upcycle Manufacturing, Kreations Upcycle Furniture, at AMCen and Metal Industry and Development Center. Kasama rin sa mga binsita ang mga MRF sa iba’t ibang barangay sa ating lungsod – Manggahan MRF, Bagong Ilog MRF, Pineda MRF, at Sandoval Ave., MRF. 

Naging parte rin ng training ang pagbuo ng mga konsepto o business proposals ng mga kinatawan mula sa MRFs at MSMEs na maaaring makatulong sa problema sa basura habang nadaragdagan ang kanilang mga kita. Sa kanilang pagbuo ng konspeto, sila ay ginabayan ng resource speakers na nagsilbi ring mentors mula sa ating partner organizations: United Nations Development Programme – Philippines at Deloitte Philippines.

Bago matapos ang training, isa-isang nag-present ng kanilang business proposals ang participants na siyang magsisilbing isa sa mga hakbang upang maipagpatuloy ang pagsusulong ng circular economy sa ating lungsod. 

Ang ICE Hub Training ay naging posible sa pagtutulungan ng Local Economic Development and Investment Office at City Environment and Natural Resources Office.