IN PHOTOS: FIRE PREVENTION MONTH 2024 MOTORCADE

March 9, 2024



Para sa selebrasyon ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso, isang motorcade ang idinaos na lumibot sa Lungsod ng Pasig ngayong araw, March 9, 2024. Ang selebrasyon ngayong taon ay may tema pa ring "Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa."
Nagpakita ng buong suporta ang iba't ibang ahensya ng gobyerno - nasyunal at lokal, kung saan apat na natinal government agencies (Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology, at Department of Education), 30 barangays ng Pasig, at mga truck at ambulansya ng Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ang nagpadala ng kanilang delegasyon para sa nasabing motorcade.
Bukod sa mga kalahok mula sa hanap ng pampublikong sektor, nakiisa rin sa motorcade ang 22 non-government organization fire volunteer groups at maging tatlong private fire and rescue groups. Isa lamang ang motorcade na ito na nagpapatunay na:
Sa Lungsod ng Pasig, sa pagtutulungan ng lahat ng sektor, sa pag-iwas sa sunog, lahat ay nagkakaisa!
Bukod pa rito, patuloy pang pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ang kakayahan nito, lalo ng mga barangay, para makaresponde sa sunog sa mga lugar na nasasakupan. Noong September 2023, matatandaang nagkaroon ng distribusyon ng dekalidad na fire trucks ang Lungsod ng Pasig sa nasa 27 barangays nito.
--
Ang pagdiriwang ng Fire Prevention Month ay alinsunod sa Proclamation No. 115-A, s. 1966. Ipinagdiriwang ito tuwing buwan ng Marso, ang buwan na naitala kung kailan marami ang nangyayaring sunog dala ng init ng panahon.
Kaya naman sa lahat, laging mag-ingat para patuloy na maproteksyunan ang sarili at komunidad mula sa sunog. Para sa emergencies, maaaring tumawag sa Emergency Hotline ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig: 8643 0000.
Ang pagsasagawa ng 2024 Fire Prevention Month Motorcade ay pinangunahan ng Pasig City DRRMO.