IN PHOTOS: EARLY CHILDHOOD CARE AND DEVELOPMENT CITYWIDE PALIGSINING

November 27, 2024

Ipinamalas ng mga batang Pasigueño ang kanilang talento at pagkamalikhain sa idinaos na Early Childhood Care and Development (ECCD) Citywide Paligsining noong Biyernes, November 22, 2024, sa Rizal High School Gymnasium. Ito ay kaugnay pa rin ng selebrasyon ng ika-32 National Children’s Month ngayong Nobyembre.
Ang patimpalak na ito ay nagsilbing venue para sa 200 batang kalahok upang ipakita ang kanilang mga natatanging talento sa dalawang kategorya: Solo at Group. Sa Solo Category, itinampok ang contests sa Vocal Solo, Poem Recital, Clay Molding, at Draw and Tell. Samantala, sa Group Category, nasilayan ang husay ng mga kalahok sa chorale performances at makukulay na folk dances.
Ang mga nagwagi ay magkakaroon ng pagkakataong irepresenta ang Lungsod ng Pasig sa Regional Paligsining, na naglalayong palawakin ang promosyon at proteksyon ng karapatan ng mga bata alinsunod sa Republic Act No. 10661 o mas kilala bilang National Children’s Month Act.
Dumalo sa makabuluhang selebrasyong ito sina Congressman Roman Romulo, na nagbigay ng mensahe tungkol sa pagbibigay-halaga sa mga batang limang taong gulang pababa. Ibinahagi rin niya ang kanyang isinusulong na panukalang batas na naglalayong magtatag ng ECCD Department sa bawat lokal na pamahalaan.
Naroon din sina Councilor Syvel Asilo-Gupilan, Chairperson ng Committee on Children’s Affairs ng 11th Sangguniang Panlungsod ng Pasig, at Councilor Maria Luisa “Angelu” de Leon, Chairperson ng Committee on Social Services and Solo Parents Affairs. Nagpaabot sila ng pasasalamat sa mahigit 300 na magulang, bisita, at ECCD personnel na dumalo upang magbigay ng suporta sa mga programang pampamahalaan tulad nito, na may layuning pagyamanin ang talento at potensyal ng mga batang Pasigueño.
Sa pagtatapos ng programa, ginawaran ng parangal ang mga nanalong kalahok. Inanunsyo rin na sila ay magtatanghal muli sa culminating activity ng National Children’s Month ngayong taon, na gaganapin sa Kapitolyo Amphitheater sa November 29, 2024, Biyernes, ganap na alas-8 ng umaga.
Ang ECCD Citywide Paligsining ay pinangunahan ng Day Care Centers sa ilalim ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Abangan pa ang mga natitirang aktibidad para sa Buwan ng mga Bata sa Lungsod Pasig. Para sa karagdagang detalye, tumutok sa mga anunsyo ng Pasig Social Welfare Department at balikan ang mga naganap na aktibidad sa Pasig City Public Information Office.