IN PHOTOS: Blessing ng Temporary City Hall sa Brgy. Rosario
September 27, 2024
IN PHOTOS: Blessing ng Temporary City Hall sa Brgy. Rosario
Ginanap ang Blessing ng Temporary Pasig City Hall sa Eulogio Amang Rodriguez Ave., Brgy Rosario Pasig noong Lunes, September 23, 2024. Dinaluhan ang pagbabasbas ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Bilang parte ng programa bago ang opisyal na pagbabasbas, nagbigay ng mensahe ang ilang opisyal ng Lungsod ng Pasig. Ipinabot ni Cong. Roman Romulo ang kanyang pagbati sa selebrasyon kay Ms. Shalani Soledad at nagpaalala rin ng kahalagahan ng pagtutulungan para sa ikakabuti ng Lungsod Pasig.
Samantala, sa mensahe ni Vice Mayor Dodot Jaworski, ipinaabot niya na ang mga pagbabagong kaakibat ng paglipat sa Temporary City Hall ay hindi lamang sa struktural na aspeto, kundi simbolo ng bagong pag-asa para sa lungsod. Aniya, nawa ay magsilbing inspirasyon ito para sa mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod na pagbutihin ang kanilang serbisyo at pagmamahal sa Pasig at sa publikong pinaglilingkuran nito.
Kaligtasan naman ang naging paksa ni Mayor Vico Sotto, na siyang pangunahing dahilan kung bakit kailangan nang matugunan ang structural issues ng kasalukuyang gusali ng City Hall. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng Pasig City Hall Redevelopment Project, maipapamalas ang kakayahang gumawa nang maayos, malinis, at dekalidad na proyekto sa Pasig, na kayang tumagal nang matagal na panahon at mapapakinabangan ng susunod pang henerasyon ng mga PasigueƱo, taliwas sa mga negatibong pananaw sa mga proyekto ng gobyerno. Ayon kay Mayor Vico, bagama't mahirap ang paglilipat, kakayanin ito sa pamamagitan ng pagtutulungan.
Matapos ang pagbibigay ng mga mensahe, pinamunuan ni Fr. Melvin Ordona ang pagbabasbas ng Temporary City Hall. Kasunod ang pag-aalay ng panalangin ay nilibot niya at ng mga dumalo sa Blessing Ceremony ang bawat floor ng Temporary City Hall para sa pagbabasbas ng pasilidad.
Ang Temporary City Hall ay magsisilbing pansamantalang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig upang magbigay-daan sa Redevelopment Project ng Pasig City Hall Campus sa Brgy. San Nicolas, Pasig City. Nagsimula ang opisyal na operasyon nito noong, September 16, 2024, kung saan unti-unti nang lumilipat ang iba't ibang opisina at departamento para doon na magpatuloy ang kanilang mga serbisyo.
Para malaman ang mga opisina at serbisyong kasalukuyang ipinagkakaloob sa Temporary City Hall, mangyaring balikan ang mga nakaraang materyal sa mga sumusunod na link:
https://tinyurl.com/TempCityHallSept16
https://tinyurl.com/TempCityHallSept23
Samantala, makikita naman sa link na ito ang mga opisina na lilipat na sa darating na Lunes, September 30, 2024.
https://tinyurl.com/TempCityHallSept30
Na-miss ang Blessing Ceremony ng Temporary Pasig City Hall noong Lunes? Mapapanuod itong muli mula sa link na ito: https://bit.ly/BlessingCeremonyTempCityHall