IN PHOTOS: BALIK ARAL PROGRAM | AWARDING OF CERTIFICATES

May 3, 2024



Pagpapahalaga sa pangalawang pagkakataon na ipinagkaloob para makabalik sa pag-aaral — ito ang naging tema ng ginanap na Awarding ng Certificates para sa President's Listers at Dean's Listers ng Balik Aral Program (BAP) students ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na kasalukuyang nag-aaral sa ating Inang Pamantasan, ang Pamantasan ng Lungsod ng Pasig.
Noong isang Biyernes, April 26, 2024, napuno ng palakpakan mula sa mga pamilya, kaibigan, hepe ng mga departamento, at mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ng nasa 122 BAP students mula sa Batch 1 - Batch 4 na nakapagkamit ng Dean's at President's Lister simula nung unang inilunsad ang programa noong 2019. Ang mga nasabing mga estudyante ay mula sa tatlong programs: Bachelor of Arts in Business Management Major in Marketing Management, Bachelor of Elementary Education, at Bachelor of Science in Information Technology.
Bukod sa awardees, dumalo rin sa nasabing aktibidad ang 83 bagong aplikante na mula sa Batch 5 para sa kanilang assembly.
Ngayong academic year magkakaroon ng unang batch ng graduates mula sa BAP kaya naman masaya ang lahat. Ani Mayor Vico Sotto sa kanyang mensahe sa mga ginawaran ng certificates, alam niya na hindi naging madali ang paglabas ng BAP students mula sa kanilang mga comfort zones — may trabahon naman ang mga ito, kumikita, pero pinili pa rin ng bawat isa na mas pagbutihin pa ang sarili sa pamamagitan ng BAP.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Vice Mayor Dodot Jaworski ang mga estudyante na ipagpatuloy ang pag-aaral nang mabuti. Dahil di lang ito makakadagdag sa kanilang credentials, makakatulong din ito para maitaas pa ang pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga Pasigueño.
Ipinahayag naman nina Congressman Roman Romulo at Councilor Corie Raymundo (na ipinaabot sa pamamagitan ni Bb. Karina Raymundo) ang pagkagalak at kanilang pagka-proud sa BAP students.
Sa kanyang closing remarks, pinaalalahanan ni PLP President Glicerio Maningas ang mga estudyante na patuloy na pahalagahan ang pagpapahalaga na binigay ng lokal na pamahalaan at huwag sayangin ang pagkakataong ibinigay nito sa bawat isa para tuparin ang kanilang mga pangarap.
Mainit na pagbati para sa 122 academic achievers na ginawaran ng Certificates! Kabilang kayo sa dahilan kung bakit umaagos ang pag-asa sa Lungsod Pasig!
----
Ang Balik Aral Program ay nagbibigay ng oportunidad sa mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig para makabalik sa pag-aaral at makapagtapos ng kolehiyo ang mga ito habang nagtatrabaho. Ito ay tulong ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na libreng college education at special working student program para sa mga empleyado ng Pasig City Government dahil naniniwala ang pamunuan nito na nararapat na bigyan ng pagkakataon ang lahat sa de-kalidad na edukasyon. Ang BAP ay inisyatibo ni Sangguniang Panlungsod Committee Chair Corie Raymundo, na buong pusong sinuportahan naman ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo rito sa ilalim ng Human Resource Development Office.