IN PHOTOS: 4th National Youth Leadership Summit on Safer Cyberspace
November 25, 2024
Nagtipon ang iba’t ibang kalahok mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, mga youth leader, faith-based organizations, at school administrators para sa ginanap na 4th National Youth Leadership Summit on Safer Cyberspace noong November 23-24, 2024, sa Buting Elementary School Gymnasium, Brgy. Buting, Pasig City.
Matatandaan na sa nakaraang summit na may temang “PAGSIBOL”, inilunsad ang S.A.N.C.T.U.A.R.Y. Program sa Lungsod ng Pasig. Ang programang ito ay nakatuon sa sama-samang pagtataguyod ng Cybersafe Homes and Schools sa Pasig City. Layunin din nitong hikayatin ang bawat pamilya, paaralan, at komunidad na labanan ang mga karahasang kaugnay ng Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC).
Isa sa mga highlight ng summit ngayong taon ang pagbabahagi ng mga hakbang na isinagawa ng lokal na pamahalaan, katuwang ang CGPH, para sa nasabing programa. Kabilang dito ang paglunsad ng Pasig City Cyber Youth Formators’ Training of Trainers, kung saan inimbitahan ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan at Supreme Secondary Learner Government Advisers at Officers mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa ating lungsod.
Bilang mga trained Cyber Youth Formators, sila ang magiging katuwang ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa paglaban sa OSAEC at sa pagsisigurong napangangalagaan ang kapakanan at seguridad ng mga kabataan sa cyberspace.
Bukod sa pagtatatag ng Pasig City Cyber Youth Formators, ibinahagi ni Ms. Ma. Teresa Briones, Department Head ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), na kabilang na sa mga sub-committee ng Pasig City Council for the Protection of Children ang Safer Cyberspace. Dahil dito, mas mapapalakas pa ng lokal na pamahalaan ang mga proyektong may kaugnayan sa Safer Cyberspace para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
Present sa aktibidad na ito sina Mayor Vico Sotto, Vice Mayor Dodot Jaworski, at Councilor Maria Luisa “Angelu” de Leon upang magbigay ng suporta at personal na magpasalamat sa lahat ng mga lumahok at tumitindig laban sa anumang uri ng karahasan, lalo na sa mga kaso ng OSAEC.
Ang pagsasagawa ng 4th National Youth Leadership Summit on Safer Cyberspace ay parte pa rin ng selebrasyon ng National Children’s Month ngayong buwan ng November sa Lungsod ng Pasig. Ito ay naging posible sa pangunguna ng CSWDO, sa pakikipagtulungan sa CGPH.
Lubos ang pasasalamat ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa lahat ng mga nakiisa at nagpahayag ng suporta sa patuloy nating paglaban sa isa sa pinakamalaking problema na kinakaharap ng ating bansa sa kasalukuyan.
Para sa mga nais balikan ang mga kaganapan mula sa Leadership Summit na ito, i-click lamang ang mga link ito:
DAY 1 (Part 1): https://bit.ly/CGPHPagyabong_Day1Part1
DAY 1 (Part 2): https://bit.ly/CGPHPagyabong_Day1Part2
DAY 2 (Part 1): https://bit.ly/CGPHPagyabong_Day2Part1
DAY 2 (Part 2): https://bit.ly/CGPHPagyabong_Day2Part2