IN PHOTOS: 4TH MEGA JOB FAIR PARA SA TAONG 2024
November 20, 2024
Matagumpay na naisagawa ang 4th Mega Job Fair ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig noong Biyernes, November 15, 2024, sa Robinsons Metro East. Umabot sa 200 jobseekers ang lumahok sa nasabing aktibidad.
Mula sa kabuuang bilang ng mga aplikante, 72 ang na-hire on the spot habang 225 na aplikante para sa local companies at 109 aplikante para sa overseas companies naman ang itinuring na deemed qualified (mas mataas ang bilang ng mga deemed qualified dahil maaaring mag-apply sa higit sa isang trabaho ang isang aplikante).
Samantala, may jobseekers ding near-hired o mga aplikante na kailangan pang magsumite ng karagdagang dokumento o dumaan sa karagdagang interview bago tuluyang matanggap sa kanilang in-applyang trabaho.
Bukod sa mga naghanap ng trabaho, 108 indibidwal naman ang natulungan at nabigyang serbisyo, sa pamamagitan ng pagtugon sa concerns at inquiries, ng iba’t ibang sangay ng nasyonal na pamahalaan na present din sa nasabing job fair.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang Department of Migrant Workers (DMW) na magbahagi ng kaalaman sa mga lumahok sa job fair patungkol sa iba’t ibang DMW Reintegration Programs na naglalayong matulungan ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanilang pagbabalik at muling pagsisimula ng buhay sa Pilipinas. Ilan sa mga programang kasama rito ay ang mga sumusunod: livelihood assistance, skills training, at counseling para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.
Ginanap din ang Seminar-Orientation on Anti-Illegal Recruitment and Trafficking-in-Persons na may layong protektahan ang mga karapatan ng OFWs laban sa illegal recruitment at human trafficking. Sa loob din ng programang ito, ang DMW ay nagbibigay ng legal assistance at nakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng OFWs.
Taos-pusong nagpapasalamat ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ng Pasig City Public Employment Service Office, sa lahat ng Pasigueño na lumahok sa 4th Mega Job Fair. Lubos din ang aming pasasalamat sa mga kompanya at sangay ng nasyonal na pamahalaan na tumulong upang magbigay ng oportunidad sa mga Pasigueño.
Hanggang sa susunod pang mga job fair sa Lungsod ng Pasig!