IN PHOTOS: 24TH BAMBINO GRAND FESTIVAL
January 20, 2025
IN PHOTOS: 24TH BAMBINO GRAND FESTIVAL
Masayang idinaos ang ika-24 Bambino Grand Festival na may temang, “Bambino de Pasig, Daan ng Pagkakaisa ng Pasigueño sa Kaunlaran sa Tulong at Sigasig ng Pamahalaan” sa Lungsod ng Pasig kahapon, January 19, 2025, bilang parte ng taunang selebrasyon ng Kapistahan ng Señor Sto. Niño.
Lulan ng mga karosang napapalamutian ng bulaklak at pailaw, natunghayan ang iba’t ibang imahen ng Sto. Niño mula sa 30 barangays sa ilalim ng 13 parishes sa lungsod sa Bambino Grand Parade na nagsimula sa E. Caruncho Ave. at nagtapos sa blessing of Holy Water sa Immaculate Conception Cathedral (ICC) ng Pasig.
Tampok din sa parada ang sari-saring hugis at sukat ng imahen na bitbit ng mga debotong Pasigueño habang nagsasayawan at naghihiyawan, pati na ang mga imahen mula sa ilang tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, non-government organizations, at homeowners associations sa lungsod.
Bida sa pagtatapos ng parada ang Bambino de Pasig na siyang pinakainabangan ng lahat.
Nagpahayag ng pasasalamat sina Mayor Vico Sotto, Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, at ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa lahat ng dumalo at tumulong para sa maayos at mapayapang pagdaraos ng parada. Binati rin ni Mayor Vico ang mga bisita mula sa ibang lugar na nakiisa sa parada.
Bago ang parada, naganap sa umaga ang Holy Mass sa ICC-Pasig na dinaluhan ng mamamayang Pasigueño kasama ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig.
Parte rin ng selebrasyong ito ang Novena na isinagawa ng siyam na araw simula January 10 hanggang January 18, 2025.
Ang taunang pagdiriwang ng Bambino Grand Festival ay patunay ng patuloy na pagbibigay pugay nating mga Pasigueño sa Batang Hesus bilang simbolo ng kasimplihan, pagpapakumbaba, at pagmamahal at nagsisilbing gabay sa ating pang-araw araw na buhay.
Ito ay naging matagumpay sa pangunguna ng Cultural Affairs and Tourism Office at sa pakikipagtulungan nito sa Diocese of Pasig at Office of the City Mayor kasama ang iba pang mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig at ahensya ng gobyerno.
Viva Pit Señor!
Viva Bambino de Pasig!
—
Para mapanood ang Facebook livestream ng misa at parada, i-click ang mga link na ito:
Holy Mass: https://bit.ly/2025_BambinoGrandFestivalHolyMass
Bambino Grand Parade: https://bit.ly/2025_BambinoGrandParade