IN CASE YOU MISSED IT: Pagsumite ng Proposed Executive Budget para sa 2023 sa 11th Pasig City Council
October 14, 2022

IN CASE YOU MISSED IT: Pagsumite ng Proposed Executive Budget para sa 2023 sa 11th Pasig City Council
Opisyal nang isinumite ang Panukalang Budget ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig para sa taong 2023 sa Sangguniang Panlungsod kahapon, October 13, 2022.
Umabot sa PHP15,000,000,000.00 (15 billion pesos) ang kabuuang halaga ng isinumiteng panukalang budget para sa susunod na taon sa pangunguna ni Mayor Vico Sotto. Bago maaprubahan ang panukalang budget, isasailalim muna sa ito sa budget deliberations na pangungunahan naman ng mga miyembro ng konseho.
Nananatiling Kalusugang Pangkalahatan o health ang may pinakamalaking alokasyon sa panukalang budget. Ito ay nakalaan para sa patuloy na pagpapalawig ng lokal na implementasyon ng Universal Health Care Program at pagpapatupad ng mga programa at proyekto na naglalayong ayusin at mapabuti pa ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa Lungsod Pasig. Bukod sa kalusugan, prayoridad pa rin ang edukasyon, pabahay, aboy kamay na serbisyong panlipunan, programa para sa tapat at mahuhusay na lingkod bayan, at imprastraktura para sa taong 2023.
Sa kanyang speech, inilahad ni Mayor Vico Sotto na ang Pasig City ay isa sa may pinakamataas na budget per capita sa Pilipinas, kaya naman kailangang: ipagpatuloy pa rin ang mga reporma; paigtingin pa ang mga nasimulan nang pagbabago at mga reporma; pagandahin pa ang mga programa; at palawakin pa ang mga serbisyo para sa mga Pasigueño para masiguro na magiging wasto ang paggamit nito.
Ipinahayag din ng alkalde na inaasahan niyang magiging makabuluhan ang budget deliberations na gagawin ng lehislatibong sangay ng LGU ng Pasig bago tuluyang maaprubahan ang panukalang budget, sa pangunguna ni Vice Mayor Dodot Jaworksi at ng mga konsehal. Tiniyak naman ni Mayor Vico Sotto na sa parte ng ehekutibo, magtatrabaho ang bawat isa para maimplementa nang maayos ang budget para sa taong 2023.
Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, sinabi ni Mayor Vico Sotto na ang pagsiguro na magiging maayos ang pagpipinalisa at pagimplementa ng budget ay nakasalalay sa bawat isa. Aniya, "Team effort po ito. Ang tingin po ng lahat sa atin dito ay isang team po tayo. Iba-iba tayo ng function; iba-iba tayo ng responsibilidad; iba-iba tayo ng papel, pero sa dulo, iisang koponan lang po tayo."
#UmaagosAngPagAsa