79TH LIBERATION DAY
February 19, 2024
"SILA'Y NANGAMATAY UPANG TAYO'Y PAYAPANG MABUHAY"
Ngayong araw, February 19, 2024 ay ipinagdiriwang natin ang ika-79 Liberation Day Anniversary ng Lungsod ng Pasig. Para sa pagdiriwang na ito ay nagdaos ng maiksing programa ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig na ginanap sa Bantayog ng Kagitingan sa Caruncho Ave., Brgy. San Nicolas.
Ang nasabing programa ay dinaluhan di lamang ng mga kinatawan at opisyal ng Pamahalang Lungsod ng Pasig at grupo ng kapulisan, kundi maging mga representante mula sa iba't ibang grupo ng mga beterano tulad ng Veterans Federation of the Philippines - Pasig Chapter, Descendants of Hunters ROTC Guerillas, Inc., at World War II Veterans.
Bilang pagkilala at pag-alala sa mga bayaning nag-alay ng buhay para sa ating kasarinlan, nagbigay ng mensahe ang mga kinatawan mula sa Veterans Federation of the Philippines - Pasig Chapter na si G. Antonio Amulong; Descendants of Hunters ROTC Guerillas, Inc. G. David M. Ingles, mga miyembro ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig at descendants ng mga guerilla noon, Dr. Nestor Castro at G. Francis Yumul, at World War II Veterans Board of Trustee William Esplana. Bukod pa sa mga mensahe na ito ay nagpaabot din ng kanilang mga mensahe sina Congressman Roman Romulo, Vice Mayor Dodot Jaworski, Jr., at Mayor Vico Sotto.
Iisa ang naging tema ng kanilang mga mensahe -- tunay na nararapat na kilalanin at alalahanin ang kabayanihan ng ating mga kapwa Pasigueño at ang naging sakripisyo nila, dahil sa kanila ay ating natamasa ang kalayaan.
Isa sa mga panukalang proyekto kaugnay sa Bantayog ng Kagitingan ay ilipat ito sa lugar na mas makikita, malalapitan, at mas mababasa ng lahat. Sa kasalukuyan, ito ay nasa nasa "center aisle" sa kabahaan ng Caruncho Ave. na malapit sa entrance ng Pasig Catholic Cemetery.
---
Ang Bantayog ng Kagitingan na ito ay itinayo noong 1954 bilang paalala ng lubos na pasasalamat ng komunidad sa mga nagbuwis ng buhay noong WWII. Isang historical marker ang ikinabit sa monumento na ito na nagsasaad na:
”Ang Bantayog na ito ay sa karangalan ng mga anak ng Pasig na nangamatay nang Ikalawang Digmaang Pandaigdig upang tayong nangabubuhay ay makakuhang-uliran sa kanila. Ang mga kagamitan at salaping ginugol dito ay buhat sa mga butihing mamamayan ng Pasig at mga kalapit-bayan. Ang namanihala sa pagbabangon ay ang Pasig Civic League. Pinasinayan noong ika-29 ng Agosto, 1954.”
Tuwing Pebrero 19 ay ipinagdiriwang ang Pasig Liberation Day bilang pag-alala at pagbibigay pugay sa mga bayani at beterano sa Lungsod ng Pasig noong WWII.