2024 Annual Investment Program (AIP)
June 8, 2023
PASADO NA SA IKATLO AT PINAL NA PAGBASA ANG RESOLUTION NO. 278, S. 2023 NA PINAMAGATANG "A RESOLUTION ADOPTING THE ANNUAL INVESTMENT PROGRAM OF THE CITY GOVERNMENT OF PASIG COVERING THE PERIOD FROM JANUARY 1 - DECEMBER 31, 2024
Opisyal na naipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ang resolusyon kaugnay ng approval ng 2024 Annual Investment Program (AIP) ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig sa isang special session ng 11th Sangguniang Panlungsod ng Pasig na ginanap kahapon, June 7, 2023.
Ito ay matapos ang tatlong araw na hearings ng Committee on Appropriations, Ways, and Means sa pangugnuna ng chairperson nito na si Councilor Marion Rosalio Martires at aktibong nilahukan ng iba pang miyembro ng konseho noong June 1, 2, at 5, 2023. Umabot sa lagpas 24 oras ang committee hearings kung saan ang bawat opisina/departamento ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ay nagkaroon ng presentasyon ng kanilang 2024 AIP at matapos nito ay binigyan din ng pagkakataon na makapagtanong at magkapagbigay ng suhestiyon ang mga konsehal para mas mapabuti pa ang mga panukalang programa, proyekto, at aktibidad (PPA) sa susunod na taon.
Sa kanilang pagpapahayag ng suporta sa AIP, nagbigay ng komendasyon ang ilang mga konsehal sa naging improvement ng panukalang AIP kung saan ang mga PPA na nilalaman nito anila ay "mas pinag-isipan, pinaghandaan, at mas pinalalim para sa bawat Pasigueño."
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Konsehal Martires na "opening salvo" pa lamang ang pagkakapasa ng AIP para sa 2024 dahil kasunod nito ay ang pagsiguro na mapondohan ang mga ito sa pamamagitan ng panukalang budget para sa 2024. Matapos ang AIP, kasunod na ang pagbuo ng budget proposals ng mga opisina/departamento na daraan naman sa technical budget review na pangungunahan ng Local Finance Committee bago ito muling dumaan sa pagsusuri ng 11th Sangguniang Panlungsod.
Ang naging approval ng 11th Sangguniang Panlungsod ay pang-11 sa prosesong pinagdaanan para tuluyang mapinalisa ang 2024 AIP ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig. Sa pagtutulungan ng Local Finance Committee, mga departamento at opisina, mga kinatawan ng civil society organizations, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ay opisyal na naaprubahan ng 2024 AIP ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ng June 7, 2023, ang deadline na nakasaad sa Synchronized Local Planning and Budgeting Calendar na itinalaga ng Department of the Interior and Local Government, National Economic and Development Authority, Department of Budget and Management, at Department of Finance sa ilalim ng bisa ng kanilang Joint Memorandum Circular No 1, s. 2016.
----
Ang buong proseso ng pagbuo ng Annual Investment Program ay pinangunahan ng City Planning and Development Office na may guidance mula sa Local Finance Committee.