"Para sa mas makabuluhan at pinalawig na citizen participation at transparency sa paggobyerno sa Lungsod ng Pasig"

October 13, 2020

Example blog post alt

"Para sa mas makabuluhan at pinalawig na citizen participation at transparency sa paggobyerno sa Lungsod ng Pasig"

Ginanap ang ikalawang pagpupulong ng full City Development Council (CDC) kahapon, Oktubre 12, 2020, na dinaluhan ng mga miyembro nito at mga miyembro ng CDC Sectoral Committees. Isa ang CDC sa mga local special bodies na itinakda sa ilalim ng Local Government Code na kinakailangang may representate mula sa mga accredited non-government organizations (NGOs) o civil society organizations (CSOs) na magiging katuwang ng ibang miyembro na mga punong barangay at mga representante mula sa iba't ibang departamento ng City Hall at Sangguniang Panglungsod sa pagbuo ng mga sektoral (social, economic, infrastructure, environment, at institutional) at pangkabuuang plano para sa siyudad.

Sa pagpupulong na ito ay na-aprubahan ang panukalang paggamit ng Local Community Development Fund 2021, ang 20% ng Internal Revenue Allotment ng Pasig, at ang Annual Investment Program 2021. Kalakhan ng nakatakdang pondohan ng Lungsod Pasig sa mga nasabing plano para sa susunod na taon ay para sa sektor ng kalusugan, kaugnay ng patuloy na laban kontra COVID-19.

Sa kanyang welcoming remarks kahapon, idiin ni Mayor Vico Sotto na ang pagsunod sa pagkakaroon ng functional local special bodies kung saan may representasyon ang mga NGOs at CSOs ay isa lamang sa mga hakbang na ginagawa ng City Government ng Pasig para masiguro na may partisipasyon ang mga kinatawan ng mga tao upang maging inklusibo ang proseso, mas mapabilis ang pagbibigay serbisyo, at masiguro na natutugunan ang mga sektoral na pangangailangan ng mga mamamayan.